onsite.infoshop

An Anarchist and Autonomous Community-Based Resource Center in Muntinlupa City (Manila south), Philippines

Ang Marijuana ay Rebolusyon [maikling komentaryo sa ideya ng legalization]

Bas Umali

sino ang susundin mo1

Lampasan natin ang moralista at konserbatibong kaisipan ukol sa isyu ng paggamit ng halamang marijuana. Kung ikaw ay may saradong pagtingin at taos-pusong naniniwala sa “kasamaan” ng halamang pinag-uusapan; ang diskusyung ito ay hind para sa iyo. Ang sulating ito ay para sa mga taong bukas sa mga talakayan; sa mga nais ng karagdagang impormasyon, sa mga curios at mga naghahanap ng alternatiba.

Ayon sa ilang literatura ang katawagang “Marijuana” ay may hibo ng diskirminasyon at walang intensyon na magpalalim sa usapin ang sulating ito. Ang halamang ito ay  ginagamit ng napakaraming kultura sa iba’t-ibang panig ng daigdig sa iba’t-ibang paraan at walang dahilan na maging ugat ito ng pangmamaliit at  racism. Piniling gamitin ang katawagang marijuana dahil sa popularidad nito na madaling matutukoy ng mga interesado o maging ng mga kontra opinyon.  Cannabis ang scientific name nito na may dalawang pangunahing strain o uri: ang Cannabis Indica at Cannabis Sativa ang Cannabis Rudelis sa kabilang banda ang hindi gaanong kilalang uri na may mababang taglay ng Tetrahydrocannabinol o THC.  Ang THC ang pangunahing sangkap na dahilan para maging high ang isang tao na nagsindi o kumain ng halamang ito (https://en.m.wikipedia.org/wiki/Tetrahydrocannabinol).

Napakaraming function ng marijuana. Ito ay organikong sangkap na ginagamit bilang lunas kahit sa mga pinakamalalang karamdaman. Maari itong gamitin sa mga industriyal na sektor, sa construction at  transportasyon. Ito ay may aplikasyon din sa industriya ng pagkain, pagawaan ng tela, langis, lubid, papel at iba pa. Ginagamit ito ng ilang eksperto bilang solusyon para sa krisis sa kalikasan at resource management. Ito rin ay sangkap para sa mga pang-kultural at ispiritwal na gawain. Ang pagsisindi o pagkonsumo nito para sa recreational na kagalingan ay isa lang sa mga popular nitong paggamit. Sandamakmak ang  literatura mula sa pananaliksik at mga dokumento na maaring paghalawan at karamihan dito ay makakalap sa pamamagitan ng internet.

Batay sa mga nabanggit na benepisyo, walang dahilan upang ituring itong masama at bawal; kung mayroon mang dapat ideklarang illegal ito ay ang mga mapanganib na armas at mga mapaminsalang kemikal na sangkap ng ating mga pang-araw-araw na gamit; lalo na ang mga produktong pagkain at inumin na siyang sanhi ng napakaraming sakit.

Bakit Illegal ang Marijuana?

Sa kabila ng NAPAKALAKING PAKINABANG NG MARIJUANA, ano ang mga posibleng kadahilanan at naging bawal ito sa pandaigdigang antas at nagiging sanhi pa ng malalang parusa sa mga gumagamit. Habang ang mga mamamatay-tao, mangwawasak ng kalikasan, magnanakaw sa kaban ng bayan at mga big time na mandarambong ay patuloy sa kanilang mga karumaldumal na gawain.

Sinasapantaha ng maraming na kaya ipinagbabawal ang marijuana ay dahil umano sa mga syentipikong batayan; isinabatas ang prohibisyon o pagbabawal umano ay upang protektahan ang mga tao mula sa panganib dulot ng paggamit nito. Kabaligtaran ng ating mga nakasanayang dahilan, ang pagbabawal sa marijuana ay nakatungtong sa mga pinagtagni-tagning kasinungalingan at panlilinlang.

Bago pa naging bawal ang marijuana, ito ay malawakang ginagamit na ng mga tao sa maraming paraan. Mula noon hanggang 1883, ang halamang ito ang isa sa pinakamalaking produktong agricultural sa buong daigidig. Ito ay karaniwang pinaghahalawan ng iba’t-ibang produkto para sa napakaraming aplikasyon na ang ilan ay nabanggit na. Sa katunayan, ang unang batas  tungkol sa marijuana sa Estados Unidos ay ang polisiya noong 1619 kung saan minamandohan ang mga magsasaka na magtanim ng nabanggit na halaman. Ang pangulong si Benjamin Franklin ang nagtatag ng unang paper mill o produksyon ng papel mula sa marijuana sa Estados Unidos at ang unang dalawang kopya ng deklarasyon ng kalayaan ng Amerika ay nakasulat sa papel na gawa sa marijuana. Hanggang 1800, ang mga tela sa naturang bansa ay gawa sa mga hibla ng marijuana at limampung porsyento ng gamot sa merkado noong kalagitnaan ng 19th century ay gawa rin sa naturang halaman. Maging ang reyna na si Victoria ay gumagamit ng katas ng marijuana para kanyang dysmenorrhea (https://www.youtube.com/watch?v=eY6UjUykdnA).

Noong 1910 dumagsa ang mga Mehikanong imigrante sa Estados Unidos dala ang kultura ng pagsisindi ng marijuana. Ang naturang droga ay naikabit sa mga imigrante at mula noon ay naging target ng diskriminasyon ang mga dayuhan na naging sentro ng kritisimo ng mga anti-drug na kampanya na kadalasang iniuugnay sa mga malalagim na krimen. Gamit ang mga mapanlinlang na impormasyon at mga huwad na pag-aaral ay pinalabas ng gobyerno ng Amerika na mapangnib ang halamang ito. Ang pelikulang “Reefer Madness” na pinondohan ng isang relihiyosong grupo noong 1936 ay isa sa mga unang mapanirang propaganda laban sa marijuana kung saan pinapakita nito ang addiction, karahasan, panggahasa at kabaliwan dahil umano sa paggamit nito.

Noong 1930s panahon ng great depression nawalan ng trabaho ang malawak na bilang ng mga amerikano kasabay nito lumaganap ang pagkamuhi at takot sa mga Mehikanong imigrante at kunwa’y lumaganap din ang pagkabahala ng pamahalaan sa umano’y isyu ng marijuana. Mula dito ay nagsagawa ng pag-aaral ang pamahalaan ng Estados Unidos kung saan iniuugnay ang marijuana sa krimen, karahasan at iba pang kakaibang gawi na kadalasa’y iniuugnay sa mahihirap na komunidad. Noong 1931, 29 na estado ang nagbawal sa paggamit at pagtatanim ng marijuana.

Sa Pilipinas…

Nakakatawang isipin na ang Republika ng Pilipinas ay lumikha ng batas ng walang malinaw na pag-aral at pag-intindi sa paksa. Sa totoo, maging ang Department of Health (DOH) at mga kaugnay na ahensya ng pamahalaan ay walang substantial na pananaliksik kaugnay sa marijuana, maaring hindi nito verbatim na kinopya ang mga polisiya ng Estados Unidos ngunit mapapansin ang lohika at direkyon sa usapin ng lehislasyon.  Sa kabila ng nag-uumapaw na impormasyon mula sa mga syentipikong pag-aaral at mga proseso; karamihan sa mga eksperto, pulitiko at mga relihiyosong grupo at tao ay nanatiling mangmang, sarado at ignorante sa benepisyo at potensyal na mapapala mula sa organikong marijuana.

Ang Estados Unidos bilang isa sa pinakamakapangyarihang institusyon sa buong daigdig ay napaka-impluwensyal. Epektibo nitong naiimpluwensyahan ang mga pandaigdigang batas at  mga polisiya ng mga bansa patungkol sa marijuana.

Sa maraming dekada, opium ang pangunahing droga ang gamit ng mga lokal mula sa mga intsik, sinasabing maging si Jose Rizal ay tumikim nito na binili niya sa mga komunidad sa Manila.  Ilang taon matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig umabot sa Pilipinas ang marijuana dala ng mga Amerikanong beterano mula sa Korea at Vietnam. Itinanim at kumalat ito sa iba’t-ibang panig ng kapuluan na hindi binibigyang pansin ng mga otoridad. Noong 1972, ay naisabatas ang “The Dangerous Drugs Act o Republic Act No. 6425. Higit pang napatibay ang umano’y pagiging masama ng marijuana sa mata ng publiko sa panggagahasa sa aktres na si Maggie de la Riva noong Hunyo 1976 kung saan ito ay naging pambansang usapin. Ang mga suspek ay mula sa angkan ng mayayamang pamilya na umano’y nasa impluwensya ng droga, hindi shabu kundi marijuana (ang mga solvent addict kaya ay may kapasidad din gumawa nito?)

Katulad ng iba pang mga internasyonal na polisiya gaya ng, GATT-WTO at mga institusyon para sa pandaigdigang kalakalan o digmaan, hindi maiiwasang isipin na naimpluwensyahan din ng Estados Unidos ang polisiya sa marijuana sa international na antas. Ang “Single Convention on Narcotic Drugs” noong 1961 ay isang pang-daigdigang tratado na nagbabawal sa mga myembro ng United Nations (UN) sa produksyon at paggamit ng mga partikular na droga kabilang ang marijuana. Alam naman natin kung sino ang siga sa UN.

Ang Usapin ng Legalisation

 Dulot ng iba’t-ibang salik ay lumalawak at lumalalim ang pag-unawa ng mga tao sa usapin ng marijuana; kahit anong pilit na ikubli ay lalabas at lalabas ang likas na KABUTIHAN NG MARIJUNA AT BENEPISYONG DULOT NITO SA ATING KALUSUGAN, KAMALAYAN, ISPIRITWALIDAD AT KALIKASAN. Sa ngayon ay lumalakas ang adbokasiya partikular sa Metro Manila hinggil sa paggamit ng marijuana lalo sa usapin ng kalusugan at medisina. May mga nakasalang ng panukala sa kongreso at mga mungkahi ukol sa kung paano higit na mapapakinabanga ang halaman sa para sa kabutihan ng mga tao.

 Ang mga grupo at indibidwal na may sapat na kaalaman ukol sa napakaraming aplikasyon nito ay may  iba’-t-ibang panananaw sa usaping ng legalization, decriminalization at prohibition.

Ang karanasan ng Estados Unidos ay makapagbibigay sa atin ng mga posibleng larawan sa hinaharap sa usapin ng legalisasyon ng nasabing halaman.

Sa Amerika maraming tao ang sangkot sa pagbebenta at pagbili ng marijuana mula sa maliitan hanggang sa malakihang transaksyon. Ang mga puti ang kadalasang sangkot sa malakihang pangangapital sa industriyang ito. Kapuna-puna na ang mga itim at mga brown (people of color) na may  maliit na puhunan ang kadalasang nakukulong at mabigat na napaparusahan sa kabila ng kanilang pagkakasangkot sa maliitang transaksyon.

Ang legalization ay kadalasang nakikitang pag-asa  ng mga tao at grupong nasa adbokasiya ng kagilagilalas na halamang ito. Subalit kung pagbabatayan ang karanasan ng Estados Unidos higit na penitensya at pasakit ang sinapit ng karamihan lalo ng mga maliliit na sektor na sangkot sa industriyang ito. Ang mga sumusunod na karanasan ay halaw sa interview na isinagawa ni Joan De Toro para punk magazine na Maximum Rock N Roll issue 420 Mayo 2018.

Partikular sa California, higit na tumaas ang presyo ng marijuana dahil sa mataas na buwis na ipinataw ng pamahalaan. Ibig sabihin, hindi na ito magiging affordable sa mga tao na nais gamitin ito sa iba’t-ibang kaparaanan. Isa pang epekto ang pagkawala ng kabuhayan at hanap-buhay ng mga mahihirap na dating kumikita sa industriyang ito. Dahil sa naging legal ang halaman, kinakailangan ng lisensya para sa mga magtatanim at magbebenta.  Samakatuwid, maari pa ring hulihin at ikulong ang mga taong magtatanim at magbebenta kung sila ay walang kaukulang permit at lisensya. Sa ibang panig ng Estados Unidos ang mga impormal na sektor at maliliit na players ay naglaho dahil na rin sa matinding kaparusahan, nagaganap ito sa kabila ng legalisasyon.

Isa pang malaking bagay ang nakakaligtaan natin sa usapin ng legalisasyon ay paglaganap ng kontrol ng malalaking kumpanyang pharmaceutical , paktorya at mga panginoong may lupa na kadalasang ma-impluwensya at may kuneksyon sa mga sangay ng pamahalaan na maaring mag-monopolyo ng produkyon, pagpo-proseso at distribusyon. Ang mga players na ito ang siyang higit na makikinabang sa legalisasyon at yaong mga may kakayanang bumili lang ay higit na magtatamasa sa benepisyo  at pakinabang na higit na kailangan ng mga maliit na saray ng lipunan.

Dekriminisalisasyon ang dapat pagtuunan…

Ang dekriminalisasyon nito ay kongkretong hakbang upang baguhin ang pagtingin na ang marijuana ay masama.   Walang dapat na maparusahan sa pagmaksimisa sa lahat ng potensyal na pakinabang na makukuha sa halamang ito. Walang dapat makulong sa halip  ay dapat na ma-enjoy at malasap ng mga tao at komunidad ang sustenableng pakinabang na mahihita mula sa cannabis.

Walang dapat na masikil at matatakan na masama at kriminal sa mga tao at komunidad na nakaka-intindi at may kaalaman sa maraming aplikasyon ng halamang ito na kung saan ang lahat ng parte ay may pakinabang sa tao. Bilang biyaya ng kalikasan dapat lang na hayaan ang sinuman na magtanim, magproseso at magbahagi nito; sa halip dapat na tutulan at harangin ang mga pulitiko at korporasyon na ito ay kontrolin at monopolyohin.

Batid natin na likas sa gobyerno at korporasyon ang maghasik ng kontrol sa pamamagitan ng mga maling impormasyon, pananakot at karahasan.  Lalo ang pamahalaan na siyang may monopolyo sa paggamit ng karahasan at kulungan. Samakatuwid ang pagsusulong ng laban sa marijuana ay direktang komprontasyon sa mga institusyon ng pamahalaan. Sa karanasan ay epektibo ang sama-samang edukasyon at pagkilos upang palawakin ang impluwensya ng ugnayan kapantay nito ay ang direktang kilos sa pamamagitan ng pagtatanim at paggamit nito kahit ito ay pinapanatiling krimen ng pamahalaan.

Mahalaga ang kamulatan ng mga pamayanan upang ma-pressure ang pamahalaan upang baguhin ang mga polisiya nito. Ngunit dahil ang lipunan sa kabuuan ay ignorante dulot ng maling impormasyon ng mga konserbatibong institusyon kagaya ng simbahan, pamilya, media at mga korporasyon; ang pagmumulat sa mga tao tungkol sa benepisyo ng marijuana ay isang rebolusyon. Isa itong radikal na edukasyon na tatapat sa panlilinang ng mga nabanggit na mga sentralisadong organisasyon.

Ang BUD SEKTOR (Bukluran at Ugnayan para sa DAMO) at Third Propoganda Movement

Noong huling bahagi ng 1990’s hangga 2001 sa kasagsagan ng kampanya sa pagpapatalsik sa Joseph Estrada ay tuloy-tuloy na lumahok ang Third Propaganda Movement (3PM), ito munting grupo ng mga kabataan na humiwalay sa mainstream leftist block. Tumiwalag sila sa tinatawag na re-affirmist (RA) at muling tumiwalag sa tinatawag na rejectionist (RJ). Maraming indibidwal sa 3PM ang may malinaw na paninidigan sa kabutihan ng marijuana. Sa proseso ng kanilang paglahok sa mga kilos protesta sa EDSA Shrine hanggang sa Mendiola ay nakatagpo nila ang ilang grupo ng mga kabataan  mula sa Malabon na may tangang “Legalize Marijuana” na panawagan. Mabilis ang naging ugnayan ng mga kabataan at bago o matapos na mapatalsik si Erap ay nakapagsaayos na ng mga impormal na talakayan ang mga indibiwal patungkol sa marijuana.

Noong 2001 sa pangunguna ng 3PM kasama ang mga skaters ng Cubao (Disaster) at mga tropang Malabon nakapag-organisa ng isang pormal na talakayan ang mga nagsama-samang kabataan. Ilan sa mga indibidwal na bahagi ng ugnayang ito ay may koneksyon sa civil society at NGO community. Napakiusapan ang Philippine Network of Rural Development Institute (PhilNet) isang NGO na may mga programa sa agrikultura sa Proj. 4 Quezon City na hiramin ang kanilang rooftop bilang venue ng talakayan. Naimbitahan ang kilalang kolumnista sa Conrad de Quiros upang magsalita sa patungkol sa panlipunang aspeto ng Marijuana sa lipunang Pilipino. Naimbitahan din ang abogadong si Atty. Ibarra “Barry” Gutierrez III upang palawigin ang mga legal na usapin patungkol sa Marijuana. May manggamot din na inimbitahan upang talakayin ang usaping pangkalusugan sa paggamit ng marijuana ngunit sa hindi siya nakarating.

Dinumog ng napakaraming tao at mga kabataan mula sa iba’t-ibang panig ng kalungsuran ang porum kung saan halos hindi mahulugan ng karayom ang venue. Karamihan sa kanila ay madalang marijuana at malayang nagsipagsindsi sa beranda ng venue na nagdulot naman ng aligaga sa mga tagapagsalita.

Masasabing isa ito sa mga unang pagtatangka na pag-usapan sa publiko ang usaping marijuana subalit hindi na nasundan. Maaring may tagumpay na inabot ang kampayang ito dahil magmula noon ay naging tuloy-tuloy na ang ugnayan ng mga nagbebenta, gumagamit, nag-aaral at nag-e-explore sa marijuana ang maraming indibidwal. Subalit naputol ang inisyatiba sa iba;t-ibang kadahilanan kabilang ang pagkawala ng ilang mga indibidwal na naging susi sa pag-organisa ng mga gawain.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

w

Connecting to %s

Information

This entry was posted on May 30, 2018 by .

Navigation

%d bloggers like this: