onsite.infoshop

An Anarchist and Autonomous Community-Based Resource Center in Muntinlupa City (Manila south), Philippines

Sa mga Alon na “Made in China” Maglalayag ka ba?

[ sigalot sa “Karagatan ng Timog-Silangang Tsina” – anti-otoritaryang pananaw]

Bas Umali

Ang karagatan na NAKA-POSISYON SA TIMOG-SILANGANG BAHAGI NG TSINA ay tatawagin muna nating KARAGATAN hanggang sa katapusan ng sulating ito.

Sa pagtaya ng Ministry of Geological Resources and Mining of the People’s Republic of China, ang karagatan na tinatawag na “South China Sea” ay may 17.7 bilyong tonelada ng crude oil at 13 bilyong tonelada naman ang pagtaya ng Kuwait. Mababa ang pagtaya ng Energy Information Administration ng Estados Unidos na nasa 11 bilyon barel lang ng langis.

Maraming posibleng kadahilanan ang NAG-U-UDYOK  sa Tsina upang maging ekstra-agresibo ito sa mga asta at kilos na makikita sa aktibidad sa naturang karagatan. May bigat ang tungkol sa datos ng langis at natural gas. Habang ang benepisyo sa mga likas-yamang karagatan at pangisdaan ay maaring bonus na lang kumpara sa ganansya kung ikaw ang may kontrol sa access sa nabigasyon.   Ang mga gawain katulad ng military at naval excercises ay lalong nagpapa-kumplika sa isyu subalit maaring tingnan na ito ay pahiwatig ng interes at pagiit ng pag-angkin sa karagatan. Isang halimbawa ang ASEAN Regional Forum kung saan binanggit nang noo’y Kalihim ng Pamahalaan ng Estados Unidos na si Hilary Clinton ang interes ng naturang bansa sa isyu ng agawan ng pag-aari sa karagatan ng rehiyon.

Ang HIDWAAN sa KARAGATAN ay lumilikha “hiwalayan”, “kampihan” at may mga pagkakataon na nababanggit ang ideya ng armadong komprontasyon. Ang mga hidwaan kaugnay sa maritime claims at agawan sa mga isla ay karaniwan sa mga bansa sa rehiyon ng Timog-Silangang Asya kagaya ng Brunei, Vietnam, Taiwan, Malaysia at Republika ng Tsina. Ang Tsina ang may PAG-ANGKIN sa buong KARAGATAN at ito ngayon ay may epektibong kontrol sa mga grupo ng isla (Paracel at Spratly).

Bago pa man ang ASEAN at UNLCOS, ang Tsina ay nagsasagawa na ng malawakang pangangalakal sa rehiyon ng Timog-Silangan Asya at naglalakbay gamit ang KARAGATAN at matagumpay na naka-konekta hanggang sa pinaka-Timog sa mga komunidad ng Arabo. May mga katibayang historical at archeological ang nagpapatatag na ang Tsina ay nag-aangkat ng barko-barkong produktong porselana sa mga kausap nito sa kalakalan. Nanfang Hai ang tawag sa KARAGATAN noong Dinastiya ng Zhou, na ang ibig sabihin ay “dagat sa katimugan”.

Dahil sa lawak, dami ng gamit at samu’t-saring pakinabang ay natural na maraming maakit at gumamit na mga tao at komunidad sa KARAGATAN. Ang panginisda, paglalayag, pagmimina at ekstraksyon ng mga mineral, langis at natural gas ay ilan lang sa mga dahilan at “tila sapat” upang ang mga tao o bansa ay mag-awayan at magkampihan upang maprotekhan ang kanilang mga pakinabang.

Dagat Luzon o Luzon Sea ang tawag ng mga pamayanan sa arkipelago. Champa Sea o Dagat sa Silangan naman ang tawag sa Vietnam. Ang katawagang South China Sea ay tumutukoy sa dagat na naka-posisyon sa Timog ng Tsina. Hindi dagat na pag-aari ng Tsina.  Maaring isipin na ang kolonyalismo ng Europa ang isa sa dahilan ng kalituhan ng mga claims o angkin sa KARAGATAN. Dahil sa interes ng mga Europeo na maabot ang Tsina sa kanilang paglalayag tinawag nilang “South China Sea” ang KARAGATAN. Ang hegemonya ng mga kolonyal ay nagpatatag sa katawagan na sinamantala naman ng Tsina bilang opurtunidad para sa kanyang interes at ang IMPERYALISTANG UGALI ng mga Intsik ay napatatag naman ng otoritaryang sosyalistang pananaw ng Komunistang Tsina. Ugaling maihahalintulad sa kanilang polisiya sa Tibet.

Madaling maunawaan na ang tradisyunal na gamit ng KARAGATAN ay hindi limitado lamang sa iisang kultura. Napakahirap paniwalaan na sa dami ng mga komuidad at kultura na umiiral at nabubuhay sa mga baybayin ng KARAGATAN ay Tsina lang ang may karapatan sa mga benepisyo nito?

Ang KARAGATAN ay komon na likas-yaman na ang paggamit ay may kaakibat na potensyal: benepisyo at panganib. Mga kapakinabangan, benepisyo at delubyong direktang nararanasan ng mga komunidad na organikong tumubo sa mga baybayin. Noong wala pa ang Nasyon, ang umiiral na relasyon sa KARAGATAN partikular sa mga komunidad na ngayon ay inaangkin ng Republika ng Pilipinas ay ayon sa mga tradisyunal na ugnayan na umiikot sa kalakalan, asawahan, kamag-anakan at panggayaw (raiding). Ito ay may katutubong ugnayan na nagbibigay proteksyon at suporta sa mga pamilya at komunidad. Ang tunggalian ay isa lang sa mga relasyon na madalas nabibigyang diin at eksaherasyon para lang ilarawan na barbaro ang mga katutubo. Ang mga permiso sa pagpasok sa mga ilog, gulpo at bay ay ayon sa mga katutubong ugnayan na umunlad noon pa ay ayon sa seguridad at kalakalan.

Ang ideya ng KONTROL at MONOPOLYO ng mga likas-yaman ang isa sa mga lantarang dahilan ng mga tunggalian at hidwaan. Ito ang madaling ipaliwanag na tungtungan ng Tsina. Maaring naniniwala sila na “second Persian Sea” ang KARAGATAN. Binabanggit na ang China Offshore Exploration Corporation – korporasyong pag-a-ari ng pamahalaan ng Tsina ay nagpa-planong mangapital ng 30 bilyong dolyar sa susunod na 20 taon para higupin ang langis at mga natural gas sa rehiyon. Ang pagtatayo ng tatlong airstrips, pagpaparami ng sandatahan at militar sa rehiyon ay lumulikha ng alinlangan sa mga kapit-bahay na bansa na mag-i-interes sa mga explorasyon.

Natural din na ang  mga partidong direktang sangkot at mga nakikisangkot ay may iba’t-ibang pananaw o pag-unawa sa ideya ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng UNCLOS, pero iisa lang ang malinaw, ang Estados Unidos ay hindi bahagi ng UNCLOS at ito ay walang paki-alam sa sigalot sa KARAGATAN.

Kung gagamitin ang perspektiba ng isang lokal patungkol sa usaping, sa ganitong konteksto ko nauunawaan: Ang grupo ng mga isla na tinatawag mo ngayong Pilipinas ay dating bahagi ng katutubong ugnayan na nagko-konekta sa mga pamayanan. Ang kanilang ugnayan ay walang hangganan. Ang mga malalawak na dagat ay siyang mismong  daan ng koneksyon at ugnayan ng mga pamayanan nais umugnay mula sa maliit na isla sa hilagang Luzon, Visayas, Mindanao, Maguindanao hanggang sa katimugan sa mga isla ng Talaud, Ternate, Tidore, Halmahera, Moluccas, Borneo hanggang sa Makassar at Brunei. MAyroon din tayong katutubong koneksyon sa mga pamayanan sa Thailand, Indonesia, Sri Lanka, Malaysia at iba pa.

Ang mayroon tayo noon ay malawak na pagkakaiba-iba ng kultura. Kulturang mayayaman sa iba’t-ibang aspeto ng pamamaraan sa buhay na minana pa ng mga ninuno natin sa kanilang mga ninuno. Kuturang malayang kumikilos sa daloy ng mga ilog na nagsasanga-sanga at bumubulwak naman sa mga karagatan ng Celebes, Sulu, Manila, at iba pang bahagi ng KARAGATAN.

Ang insidente noong 1521 ay isang popular na insulto na tanggap ng marami kundi ng lahat, kaya marahil napapanatili ang kontrol lalo sa pag-iisip. ANG ATING MGA NINUNO AY BUONG LAYANG NAGLALAYAG AT NAGLALAKBAY SA MGA DAGAT AT ILOG; ANG KANILANG KULTURA AY HINDI MAIKAKAHON SA MGA LIMITASYON AT BOUNDARY NG TREAT OF TODERSILLAS. Ang KONSEPTO ng NASYON ay nagbigay puwang sa kontrol at pagputol sa mga katutubong ugnayan.

Sa kasalukuyang KAAYUSAN NG KAPANGYARIHAN, ang mga ekosistema ay pinaghahati-hatian at winawasak; gayundin ang mga tao ay kontrolado at  pinagsa-samantalahan. NAGAGANAP ANG LAHAT NG ITO BALAT KAYO NG KALAYAAN, KARAPATAN SA TERITORYO AT PAGIGING MAKABAYAN.

Mainam ulit-ulitin ang katotohanan na HINDI PERPEKTO ANG KULTURA NG ATING MGA NINUNO subalit malalim ang pagpapahalaga nila sa kasarinlan at pagkilala sa pagsasarili ng ibang komunidad at pamilya. Mga pamilya at komunidad na pinagtatahi-tahi ng relasyong kapwa-tulungan. Walang dominante o sentrong kapangyarihan bagkus mga desentralisado at horizontal na ugnayan.

Ang sakit ng absolutismo ay dumating dala ng Espanya at Portugal naman sa kabila. Ang ideya ng separasyon sa pamamagitan ng paglatag ng mga boundary ay naipatupad sa bisa ng regalian doctrine – kaisipang nagpapatatag sa absolutong kontrol ng isang estado sa mga likas-yaman at mga tao. Unti-unting nalusaw ang tradisyunal na ugnayan kasabay ng diskoneksyon sa mga katutubong komunidad at pagkakakilanlan. Ang ideya ng “iisang katotohanan” at unipormidad ay bumulag sa atin sa kagandahan at kabutihan ng pagkakaiba-iba at kasarinlan. Gamit ang kolonyal na ispiritwalidad, pulitika ng sentralismo, kultura ng konsyumerismo at bosismo ang mga tao at komunidad ay ginawang taga-bili ng mga produkto, taga-boto, pang-parami sa mga pulong o protesta, tagahanga ng mga artista at nakakanganga sa tele-nobela.

Ang ugat ng hidwaan sa KARAGATAN ay EUROCENTRIC. Sa ngayon ay walang literatura na susuporta sa ideya na nagsasagawa na ng pag-aangkin ang Tsina noon pa lang 17th Siglo. Sa konteksto ng Luzon, ang may rekord ay ang pagtatangka ng puwersa ng Intsik na si Limahong na sakupin ang Luzon ng panahon ng Kastila. Pagtatangkang napigil dahil sa suportang ibinigay ng mga Ilokano na tamang-tama ang dating at napigilan ang mga dayuhan.

Ang pag-aangkin ng Tsina sa KARAGATAN ay isang malaking kalokohan. Tulad ng nabanggit na, ito ay udyok ng imperyalistang pag-uugali na tipikal sa mga estado, korporasyon o simbahan. Dahil sa pananaw na siya lang ang tama hindi alintana ang desisyon ng International Court of Justice kung saan iginawad sa republika ng Pilipinas ang karapatan sa mga disputed na erya. – siya lang ang dapat intindihin, pakinggan at pagbigyan. Kung hindi uubra ang historical claim at mga Eurocentric na mga proseso sa pagkamkam; maaring gamitin ng Tsina bilang leverage sa negosasyon ang puwersang militar, impluwensya sa ekonomya at mga diplomatikong negosasyon sa tinatawag na back door na ginagawa na niya noon pa.

Sa dami ng mga ekspertong sangkot sa iba’t-ibang antas ng usaping ito, tiyak na walang iisang balangkas na makakasapat sa upang tugunan ang napakaraming usaping naka-kabit sa isyung ito.

Ang ugali at agenda ng Tsina ay isang malaking balakid para sa mapayapang pag-hawak sa krisis, at mahirap pagkatiwalaan ang Tsina sa ma-anomalya nitong performance sa mga negosasyon lalo’t pati ang Benham Rise o West Philippine Sea ay pilit na inaabot at hindi malayong ma-angkin.

Sa praktikal, maaring opurtunidad ang ASEAN upang tawagin ang atensyon ng Tsina tungkol sa balasubas nitong ugali sa usapin sa KARAGATAN, subalit huwag kakalimutan na ang Tsina ang pinakamalaking partner ng ASEAN sa kalakakalan na may 136.5 bilyong dolyar na nalikhang halaga. Mapupuna pati sa mga nakalipas na taon ang pag-ungos ng ekonomya ng Tsina kumpara sa Estados Unidos.

Kung ang magiging balangkas ng mga negosasyon ay ayon sa pagkilala ng puwang, karapatan at responsibilidad ng bawat partido ay malaki ang tsansang maresolba ang mga usapin na may pagkilala sa papel ng bawat isa. Dahil ang balangkas na ito ay hindi malayo sa kultura at kagawian ng mga komunidad sa baybayin ng KARAGATAN.

SA KABILANG BANDA, ANG PAGLILINAW NG BOUNDARY AY HINDI KASIGURUHAN NG PAG-RESOLBA SA SIGALOT, sa maraming pagkakataon at mga karanasan ang mga itinatayong boundary ay lumilikha ng dingding at naghihiwalay sa mga pamayanan na noon pa man ay nabubuhay ng walang hangganan o boundary. Ang pagtatakda ng mga limitasyon ay pagtatakda ng kontrol at ito ay taliwas sa malayang daloy ng mga kultura na direkta at indirektang magkaka-ugnay katulad ng mga ekosistema.

SA HALIP NA CLAIM O PAG-ANGKIN, MAINAM NA MAGING MAKABULUHANG USAPIN DIN PARA SA MGA PARTIDO ANG SHARING O BAHAGINAN NG RESPONSIBILIDAD AT BENEPISYO NG BAWAT KOMUNIDAD NA MAY ORGANIKONG KONEKSYON SA MGA BAYBAYIN NG KARAGATAN.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

w

Connecting to %s

Information

This entry was posted on March 10, 2018 by .
%d bloggers like this: