onsite.infoshop

An Anarchist and Autonomous Community-Based Resource Center in Muntinlupa City (Manila south), Philippines

ANG DREADLOCKS NI BOB MARLEY at ang MAKATANG BISAYA NA SI YOYOY VILLAME

bob & yoyoy

Indokumentado PRODUCTIONS

Ang salitang dreadlocks ay karaniwang tumutukoy sa pagkakaayos ng buhok i.e. yung magkakadikit na naghugis pabilog (natural na proseso man o ginantsilyo. Para sa rastafarian katulad ni Bob Marley, ang dreads ay tumutukoy sa taong may seryosong intensyon, plano o layunin partikular ang pag-atake sa Babylon).

Ayon sa mga naisulat na; ang salitang reggae ay unang ginamit noong huling bahagi ng 1960s ng sumikat ang “Do the Reggay” na kanta ng The Maytals. Hindi eklusibo kay Bob Marley ang reggae, siya kasama ng The Wailers at iba pa ay bahagi lang ng umuunlad na reggae bilang isang tipo ng musika na ang komon na pinagsimulan ay rocksteady at ska.

Ang pampulitikang laman at maalab na pagyakap ni Bob Marley sa Rastafarianism ay nagluwal ng mistikal na tipo ng reggae.

May mga posibleng kadahilanan para isiping may hibo ng eurocentrismo ang reggae, ang ekstra-ordinaryong kasikatan ni Bob Marley ay may kaugnayan sa pagdadala ng reggae sa Britanya at iba pang bahagi ng Europa. Hindi magiging malawak ang impluwensya ng reggae kung ito ay nalimitahan lang sa Jamaica. Maraming puti at kanluranin ang yumakap sa kulturang ito na tila kumukumpiska sa tunay at kalikasan ng reggae; sa puntong ito maaring maiugnay ang eurocentrismo.

Ang isla ng Jamaica ay matatagpuan sa karagatan ng Carribean, ito ang ika-limang pinakamalaking isla sa nabanggit na bahagi ng karagatan; ang mga katutubo dito ay tinatawag na Xaymaca. Santiago ang dating tawag dito at sakop ito ng Espanya; noong 1566 naging sakop ito ng Inglatera (na naging Britanya) at tinawag ngang Jamaica at nakamit ang independesya noong Agosto 1962.

Isang malaking pagkakamali na ikahon ang reggae sa marijuana, hindi eksklusibo sa reggae ang marijuana. Hindi maitatatwa ang napakalaking pakinabang at benepisyo ng halamang ito (mula dulo ng ugat hanggang dulo ng dahon; medisina, gamot, industriya, pagkain, kalikasan at iba pa). Ang marijuana ay isang bahagi lang ng makulay na kultura ng mga Rastafarian, katulad kung paano ito ginagamit ni Abraham Lincoln o ng mga katutubo at ibang komunidad sa iba’t-ibang bahagi ng daigdig.

Ang isa sa pinakamalalim na bahagi ng reggae ni Bob Marley ay ang pampulitikang konteksto nito; hindi biro ang pangaral niya sa kanyang mga kanta ng pagtuligsa sa kahirapan at racism. Gayundin ang paghikayat ng pagkakaisa ng mga itim upang labanan ang diskriminasyon at pag-alis ng sistema ng pang-aalipin; pagkamit ng panlipunang hustisya para sa pansariling determinasyon ng mga itim mula sa iba’t-ibang komunidad sa Afrika. Ang mga sumusunod ay bahagi ng kanta ni Bob Marley na “War”, ang pyesang ito ay parte ng talumpati ng Emperor ng Ethiopia na si Haile Selassie sa isang pagpupulong sa U.N.:

 

That until there no longer
First class and second class citizens of any nation
Until the colour of a man’s skin
Is of no more significance than the colour of his eyes –
Me say war.

That until the basic human rights
Are equally guaranteed to all,
Without regard to race –
Dis a war.

That until that day
The dream of lasting peace,
World citizenship
Rule of international morality
Will remain in but a fleeting illusion to be pursued,
But never attained –
Now everywhere is war – war.

And until the ignoble and unhappy regimes
that hold our brothers in Angola,
In Mozambique,
South Africa
Sub-human bondage
Have been toppled,
Utterly destroyed –
Well, everywhere is war –
Me say war.

Kasing linaw ng kristal ang mensahe: ang hindi pagkakapantay-pantay ng turingan dahil sa kulay o posisyon sa lipunan ay nagreresulta ng malalim na hidwaan at nagreresulta ng digmaan.  Na darating ang punto na lalaban ang mga inaapi para sa pagkakapantay-pantay sa ekonomya, benepisyo at pampulitikang relasyon ng mga tao.

Ang komon sa pagitan ng novelty at reggae ay kapwa ito nagbibigay ng aliw sa mga kani-kanyang mga tagapakinig.

Sa maraming pagkakataon ay cool ang reggae at ang pangalang Bob Marley, sa konteksto ng Pilipinas ang kadalasang tagatangkilik nito ay edukado at may kakayahan sa buhay; mga propesyunal mula sa iba’t-ibang larangan na may akses sa impormasyon at kakayahang magpunta sa mga lugar kung saan naroon ang kanilang mga interes.

Mahirap husgahan ang mga tagapakinig; ang isang riyalidad, ang reggae para sa atin ay higit na sikat dahil sa nakakaindak na tyempo nito na karaniwang may tema ng pag-ibig at romansa at dagliang ikinakabit sa marijuana.  Ang larawang naglalaro sa aking isipan ng isang reggae na eksena ay isang bar sa Quezon City, o Makati o sa Libis. Ang reggae na pagdiriwang ay kadalasang marangya at napupuntahan lamang ng mga taong may kakayahan o may ekstrang budget para makabili ng alak, pulutan, pang-entrance fee, pang-taxi o may sasakyan, pang-dreadlocks, pang-tato at iba pa.

Dito sa Pilipinas, hindi pa ako nakasaksi ng isang reggae event na may pag-uusap tungkol sa kalagayan ng arkipelago.  Tila bihira o wala sa mga tagahanga ng reggae dito ang nag-uusap tungkol sa mga mapang-aping kalagayan ng mga tao, ang kahirapan, karahasan, digmaan at kagutuman. Gaya ng mga mensahe at papel ni Bob Marley sa pampulitikang konteksyo sa Jamaica at international na antas. Gayundin, wala tayong nababalitaan na pinag-uusapan ng mga lokal na rasta ang hustisya para sa biktima ng estado sa mga taong nagigiit ng kalayaang gumamit ng marijuana sa iba’t-ibang paraan.

Maaring isipin na ang reggae sa ngayon ay bahagi na lang ng isang komersyalisadong musika na ginagamit ng mga propesyunal at may kaya sa buhay bilang pang-manage ng stress.

Mula sa Jamaica, ay pumunta tayo sa Bohol, dito sa grupo ng mga isla na  tinawag na Pilipinas, katulad ng Jamaica, dati ring sakop ng Espanya. Tila napakalayo kung ihahambing si Yoyoy Villame sa isang higanteng pangalan katulad ni Bob Marley na ikino-konsiderang isa sa may pinamalaking impluwensyang mang-aawit sa buong daigdig.  Katulad ni Marley, ang musikerong si Yoyoy ay kakikitaan din ng pang-unawa sa kanyang lipunan at kalagayan. Ang mga kanta niya ay nagku-kuwento ng kasaysayan, pag-aaklas at nagbabahagi ng impormasyon at obserbasyon sa talaga namang sa mapang-aliw na paraan.

Ang kritisismo sa sistema o sa Babylon at pagwawagayway ng alternatiba na nakaturong sa paglaya ng mga itim ay natural na magluwal ng seryosong porma sa musika ni Bob. Kung gaano ka seryoso si Bob, masasabi kong ganun din si Yoyoy Villame.  Sa mga naging sikat na mang-aawit sa arkipelago, bihira ang umawit ng kasing seryoso ng tema niya sa awit na “Francisco Dagohoy”.

Ang pag-aaklas ni Dagohoy ang itinuturing na pinakamahaba sa kasaysayan ng arkipelago kung saan tumagal ng 85 taon (1744 hanggang 1829). Napasama ni Dagohoy ang maraming Boholano sa aklasan dahil sa polo sapilitang pagta-trabaho at pagmamalupit ng mga frayle.

Karamihan sa kanta ni Yoyoy ay kwela, nakakaindak at hindi perpekto ang ingles; ang Visayang accent niya umano ang siyang dahilan kung bakit siya laging talo sa mga paligsahan sa pag-awit.

Ang accent na ito at witty na mga liriko ang siya namang naging daan niya sa kasikatan. Ang kwela ngunit may malalim na mga kahulugan na awit niya ay tinanggap ng malawak na tagapakinig at maging ang ilan sa akademya, industriya ng musika, larangan ng pelikula ay kumilala sa kanyang angking galing.

Ang novelty ay hango sa salitang Latin na novus na ang kahulugan ay bago, kakaiba at pagiging orihinal. Sa konteksto ng musika, maaring sumasakay ito sa kasikatan ng isang pyesa at binibigyan ng lirikong akma sa lokal na sitwasyon.

Sinasabing si Yoyoy Villame ang itinuturing na kauna-unahang mang-aawit sa kategorya ng novelty, ito umano ay upang ihiwalay niya ang sarili sa iba pang mga kasabayang mang-aawit na abala sa paggaya sa mga katulad ni Frank Sinatra o Perry Como.

Kung si Bob Marley ay ipinanganak noong 1945 sa Nine Mile Village sa Saint Ann Parish sa Jamaica; bilang si Nesta Robert Marley; si Yoyoy naman ay isinilang sa Calape, Bohol noong 1932 sa pangalang Roman Tesorio Villame.

Wala akong ebidensya kung kilala ni Yoyoy si Bob; ang Pilipinas bilang kolonya ng Estados Unidos, higit na sumikat ang mga musika mula sa Amerika hanggang sa ngayon. Higit na wala akong impormasyon kung kilala ni Bob si Yoyoy at hindi ito mahalaga sa ngayon.

Katulad ni Bob Marley,  kasing linaw din ng kristal ang mensahe ng mga awitin ni Yoyoy Villame; sa kantang Magellan halimbawa masasalamin ang pagtatanggol ni Lapu-Lapu sa otonomiya ng Mactan laban sa mga naunang pagtatangka ng okupasyon.

 

On March 16, 1521
When Philippines was discovered by Magellan
They were sailing day and night across the big ocean
Until they saw a small Limasawa island

Magellan landed in Limasawa at noon
The people met him very welcome on the shore
They did not understand the speaking they have done
Because Kastila gid at Waray-Waray man

When Magellan landed in Cebu City
Rajah Humabon met him, they were very happy
All people were baptized and built the church of Christ
And that’s the beginning of our Catholic life
[ Lyrics from: http://www.lyricsty.com/yoyoy-villame-magellan-lyrics.html ]
When Magellan visited in Mactan
To christianize them everyone
But Lapu-Lapu met him on the shore
And drive Magellan to go back home

Then Magellan got so mad
Ordered his men to camouflage
‘Mactan island we could not grab
‘Cause Lapu Lapu is very hard’

Then the battle began at dawn
Bolos and spears versus guns and cannons
When Magellan was hit on his neck
He stumble down and cried and cried

Bagamat hindi bahagi ng trabaho ang pagkumbinsi sa katutubo na maging katoliko at pag-recruit kay Raja Humabon upang gawing basalyo ng Hari ng Espanya; ginawa ito ni Magellan.

Tulad nga ng nakasulat na,  hindi umubra ang taktikang militar ng mga Espanyol sa mga Cebuano at nauwi sa masaker at mabuti na lang ay nautusan pa ni Magellan ang ilan sa kanyang mga tauhan na tumalilis. Na kalaunan ang ilan sa kanila ay naging bihag at alipin din ng mga lokal na pinuno.

Ang mga OFWs ay isa simbolo ng Pilipinas sa pangdaigdigang kalakalan; dahil sa SOBRANG TALINO ng GOBYERNO at gaya-gaya at sunod-sunurang republika ay nabigo na paunlarin ang mga batayang sektor ng ekonomya nito kagaya ng agrikulutura at pangisdaan. Upang, makapagbigay ng superpisyal na alternatibo, hinikayat ng gobyerno ang tao na mangibang bansa para sa hanap-buhay. Ito ngayon ang isa nagbibigay hanap-buhay sa malaking bilang ng mga tao sa arkipelago.

Sa mga unang kanta ni Yoyoy na “Nasaan ka Darling” ay sumasalamin sa karaniwang kalagayan ng mga taong nangingibang bansa. Gayundin ang kantang “Nasalisihan”  na awitin; bagamat umiikot lang ang liriko sa personal na paghihirap ng mga umiibig dahil sa pagkakalayo dulot ng pangangailangan ay nagpapakita ito ng isang lipunang kalagayan.

May naririnig na ring ugong ukol sa interes ng ilang tao na hirangin si Yoyoy Villame bilang “Pambansang Artista” (National Artist); walang masasabi ang sulatin ito patungkol diyan; ang higit na interes ng sulating ito ay kilalanin si Yoyoy Villame hindi lang ng kanyang henerasyon maging ng kasalukuyang panahon sa kontribusyon niya hindi lang sa musika. Ang pagpapasa niya ng impormasyon/kasaysayan sa makasining na pamamaraan ay bahagi ng katutubong kultura ng mga komunidad sa arkipelago.

Mas higit na kilala si Bob Marley ng mga kabataan at ng lipunan ng arkipelago sa kabuuan; katulad kung paano mas kilala ang ibang musika kagaya ng metal, emo, punk, hardcore, rap/hiphop at iba pa. Ito ay manipestasyon ng ating kawalan ng interes na balikan ang ating identidad at pagkatao kabilang ang ating katutubong kagawian, kultura, kaalaman at ba pa.

Nakatingin tayo sa kanluran bilang pamantayan ng pagsukat ng ating kaunlaran kabilang ang kultura. May Pinoy Rock ba talaga o may rock na kanta at nilagyan lang ng Tagalog na liriko? Ang alam ko may kundiman, sonata, tula at mga katutubong awitin tayo. Ang maunlad na kultura ay may malinaw na pundasyon na mauugat sa yaman ng lahi mula sa iba’t-ibang komunidad sa arkipelago. Walang sentro, bagkus marami, iba-iba, ngunit may pagkilala sa bawat pagkakaiba at kakanyahan.

Dapat nating tandaan na higit na maalwan ang buhay ng ating mga ninuno noong TAYO AY WALANG GOBYERNO AT SIMBAHAN, malinaw itong sinang-ayunan ni Jose Rizal sa kanya “Indulgence of the Filipino” na sulatin.  Totoong hindi perpekto ang ating primitibong lipunan, ano ang masama, sa tattoo, pagkulay ng ngipin, bahag, mangayaw at iba pa? Kung ikukumpara ang mga sistema mula sa Europa  tulad ng chattel slavery, polo o force labor, pagkontrol ng ating mga likas-na-yaman, pagsira ng kalikasan, diskriminasyon, kahirapan, mga relihiyon at dayuhang paniniwala na nagpapaigting sa pang-aapi sa mga komunidad.

Maiintindihan ko kung sasabihing mong higit na magaling ang sibilisado kumpara sa mga primitibo; katulad din kung bakit mas gusto mo ang pop, new wave, glam rock, harlem shake at classical mula sa Europa. Ito ang matibay na ebidensya na tayo ay disoryentado, hilo at wala sa wisyo. Kaya ang ating mga gusto, panlasa, pananaw at pagpapahalaga ay nakabatay sa kabilang panig ng mundo; ito ay synthetic, plastic at hindi likas at natural. Pilit na tinatakpan ang mga bathala, ninuno at diwata kaya ang ating konsepto ng kaunlaran ay kotse, gusali, tulay, mall, highway, baril,bomba at dolyar.

Kung sabagay, tanggap nga natin ang salitang Pilipinas at Filipino, mga kategorya at katawagang isinalaksak sa atin ng Espanya; naging klas at sosyal ng ito’y maging Philippines pagdating ng Amerika, at ang higit na nakakagulat pa ay nililibak natin ang itim, kulot, pango at  tindig na hindi kataasan; mga katangiang likas sa ating pisikal na kaanyuan.

 

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Information

This entry was posted on June 20, 2013 by and tagged .
%d bloggers like this: